Wednesday, April 15, 2009

Mahal na Nuestra Sra. de los Desamparados, Tagapagkandili ng Sta. Ana, Manila

Lingid sa kaalaman ng maraming tao ay may isang napakagandang Simbahan na tanyag sa himala, na matatagpuan sa mga kalye ng Pedro Gil at New Panaderos sa Lungsod ng Maynila. Ito ang Simbahan ng Sta.Ana. Sa lugar na ito pinagpipitaganan, Ang Mahal na Birhen, sa matamis na taguring Nuestra Señora de los Desamparados at kanila ring pintakasi. Ang Parokya ng Nuestra Señora de los Desamparados o Ina ng mga Walang Mag-ampon sa kanyang mga minamahal na mamamayan ng lugar na iyon, ay ang kauna-unahang misyon na naitatag ng mga prayleng Pransiskano sa labas ng Intramuros noong 1578.
Ang Mahal na Birhen na pinipintakasi nang buong pag-ibig ng bayan ng Sta. Ana ay dinala buhat sa Valencia, Espanya ni Frayle Vicente Yngles lulan ng sasakyang pandagat na Sto. Cristo de Burgos noong 1717 at tinaguriang biglang awa. Sapagkat ang pagkakaloob ng kanyang awa ay hindi pinatatagal kundi dagliang binibigay.
Noong unang panahon at hanggang sa ngayon, ang Simbahan ng Sta. Ana ay dinarayo ng napakamaraming mananampalataya mula sa iba’t-ibang panig ng Pilipinas upang tuparin ang kanilang panata at magbigay-galang sa Mahal na Ina ng mga Walang Mag-ampon.
Sa kadahilanan na siya ay mayroong malalim na pananalig sa Ina ng mga Walang Mag-ampon. Inihandog ni Frayle Fransisco de la Cuesta, Arsobispo ng Maynila at Kapitan Heneral ng buong Kapuluan ang kanyang kristal na baton, sagisag ng kanyang katungkulan sa Ina ng mga Walang Mag-ampon noong ika-23 ng Enero 1720. Kasama ang mga matatas na pinuno ng pamahalaan at simbahan, at ng mga mamamayan ng Sta. Ana. Hanggang sa ngayon nasa mga kamay pa rin ng Ina ng mga Walang Mag-ampon ang kristal na baton.
Si Frayle Vicente Yngles ang nagtatag at nagpagawa nitong Simbahan at Kumbento sang-ayon sa natuklasang tala sa kanyang libingan na nahukay sa loob ng Santuario ng altar. Ang unang bato ay inilagay noong ika-12 ng Setyembre 1720. Siya ay namatay noong ika-8 ng Disyembre 1739. Matatagpuan ang kanyang labi sa paanan ng altar.
Isa sa mga napakaraming himala ng Ina ng mga Walang Mag-ampon, ay ang pagkakaligtas ng Simbahan at ng maraming pook sa bayan ng Sta. Ana mula sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ito na rin ay dahil sa makainang pagkalinga at pamamagitan ng Mahal na Birhen sa bayang nabanggit.
Bilang pagkilala sa malalim na pananalig sa Ina ng mga Walang Mag-ampon at sa pagsang-ayon ng Santo Papa Kanyang Kabanalan Juan Pablo II noong ika-10 ng Disyembre 1990. Ang Ina ng mga Walang Mag-ampon ay pinutungang kanoniko ng Kanyang Kabunyian Jaime Kardinal Sin at kasama ng Kura Paroko Frayle Agustin Cuenca O.F.M. noong ika- 12 ng Mayo 1991.
Ang kapistahan ng Ina ng mga Walang Mag-ampon ay buong pagmamahal at kataimtiman na ipinagdiriwang tuwing ika-12 ng Mayo ng mananampalataya ng Sta. Ana, Maynila.
Hanggang sa ngayon, patuloy pa rin ang pag-aaruga ng Mahal na Birhen, Nuestra Señora de los Desamparados sa kanyang minamahal na mga anak at mamamayan ng bayan ng Sta. Ana sa Maynila. Kaya sa panahon ng suliranin at panganib ang kanyang mga anak ay hindi nangangamba sa halip ay itinutuon ang kanilang tingin sa panalangin at nanalig sa kanyang pamamagitan.
AD IESUM PER MARIAM

No comments:

Post a Comment