Sunday, May 17, 2009

Devocion de Nuestra Sra. de los Desamparados de Manila


La Cofradia de Nuestra Sra. de los Desamparados

harap na bahagi ng medalion
likod na bahagi ng medalion
Ang medalion ng mga kasapi ng Cofradia



Simula pa man noong una ang Pambansang Dambana ng Ina ng mga Walang Mag-ampon ay patuloy na dinarayo ng maraming mananampalataya sa bayan ng Sta. Ana, ano man ang gulang at antas ng lipunan. Sa kadahilanang patuloy itong dumarami napagpasiyahan mga anim na taon na ang nakaraan na magtatag ng isang samahan, ang Cofradia de Nuestra SeƱora de los Desamparados. Ang unang hangarin lamang ng nasabing samahan ay higit pang palaganapin ang devocion sa Inang Mapag-ampon.Binubuo ito ng mga mananampalataya na handang maglaan ng kanilang panahon sa paglilingkod sa mga pangangailangan ng Inang Mapag-ampon at anumang may kaugnayan sa kanya. Sa paglipas ng panahon, ito ay nag-aayos ng mga pagtatanghal, armoniya at mga prusisyon sa labas ng Santa Ana. Ito ay karagdagang pagtugon sa layunin ng samahan. Ang Cofradia ay kasama ng mga mananampalataya sa pagnonobena tuwing araw ng Sabado, at misa tuwing unang Sabado ng mga buwan ( Misa de Cofradia ). Sa ngayon, ang Cofradia ay patuloy na isinakatuparan ang mga layunin ng samahan sa ikararangal ng Mahal na Birheng Maria at ikapupuri ng Makapangyarihang Diyos.
+++AD MAIOREM DEI GLORIAM DEI+++

estandarte de Cofradia de Nuestra Sra. de los Desamparados


Wednesday, May 13, 2009

Dakilang Kapistahan ng Ina ng mga Walang Mag-ampon


Ang Kapistahan ng Inang Mapag-ampon ang lagi kung inaabangan sa tuwing buwan ng Mayo. Sa kadahilanan na simula pa lamang ng ako'y isang musmos ako'y laging dinadala ng aking lola sa tuwing kami'y pupunta sa pamilihan o kaya'y mapapadaan lamang. Kami'y humihinto sumaglit upang manalangin sa Ina ng mga Walang Mag-ampon. Siya rin ang nagmulat sa akin tungkol sa kaniyang mga di mabilang na himala. Naisalaysay din ng aking lola ang tungkol sa pagkislap ng mga palamuti nito, kung ito'y masilayan mo na kuminang humiling ka lamang ng taimtim at ito'y kanyang ipagkakaloob ng walang pasubali.
At ng kanyang Kapistahan noong ika- 12 ng Mayo taong 2009, pagkalipas ng humigit kumulang na tatlong taon simula ng huli akong dumalaw sa kanyang kapistahan. Ako'y mapalad na makadalaw muli kasama ang aking pinakamamahal na lola. Nang kami'y nasa bayan na ng Sta. Ana, di masidlan ang tuwa sa aking kalooban at pananabik sa aking puso. Kaya't kami'y kaagad na tumuloy sa kanyang dambana.
Nang kami'y na sa Simbahan , kasalukuyang idinaraos ang isang misa sa kanyang karangalan. Hindi mabilang ang mga tao sa loob ng Simbahan, kapwa ko may malalim na pinag-ugatan ang kanilang pananalig sa Inang Mapag-ampon.
Nang matapos na ang Misa ako'y pumunta naman sa Camarin de la Virgen isang pook- dalanginan sa likod ng Santuario. Marami pa rin ang mga deboto na nakahanay , na ang kanila na mang pakay ay makahalik sa balabal ng Mahal na Birhen na nakalatag sa isang unan.
Pagkalipas ng kinahapunan ako nama'y humahangos na bumalik sa Simbahan upang dumalo sa prusisyon, akin namang nasilayan ang Inang Mapag-ampon sa kanyang magarang karosa sa harap ng Santuario.
Sa pagsapit ng ika- anim ng gabi kaalinsunod ng pagbatingaw ng lumang kampana ng Simbahan, ay sinimulan na ang malayong paglalakbay ng prusisyon. Tulad ng aking nakaraang karanasan sa pagdalo ng prusisyon dagsa pa rin ang napakaraming tao. Isinama rin sa prusisyon ang mga banal na tao , na may kaugnayan sa ilang paraan sa Nuestra Sra. de los Desamparados. Naroon ang Banal na batang Hesus ng kapayapaan, ang asawa ng Mahal na Ina na si San Jose , ang may kapistahan din na si San Pancrasio, tagapagtatag ng pransiskanong kaparian na si San Fransisco ng Asisi na ang kanyang mga tagasunod ang namamahala ng Simbahan noon pa mang panahon ng Kastila, Ang ama ng Mahal na Ina na si San Joaquin at ang Ina na si Santa Ana na sa kaniya isinunod ang pangalan ng pook. Sa kahulihan, ng hanay ng prusisyon ay ang pinagpipitaganang pintakasi ng pook ang Nuestra Sra. de los Desamparados de Manila Coronada .
Kawangis ng aking mga nakaraang karanasan, ito'y naging pagkakataon upang lalong mapatibay ang aking pananampalataya sa Diyos na makapangyarihan sa tulong at kalinga ng Ina ng mga Walang Mag-ampon.
!!! VIVA LA NUESTRA SRA. DE LOS DESAMPARADOS DE MANILA CORONADA !!!

Saturday, May 9, 2009

Milagrosa Virgen, Nuestra Sra. de los Desamparados

Madre y Reina de la Poblacion de Sta. Ana en Manila